
Kinumpirma ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg na wala pang inilalabas na warrant of arrest ang Sandiganbayan Fifth Division laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kasong plunder na may koneksyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Econg, may nakabinbin pang mga mosyon na inihain si Estrada kaya hindi pa nakakakilos ang korte sa usapin ng warrant of arrest. Kabilang dito ang urgent motion to withdraw the issuance of warrant of arrest na inihain ng kampo ng senador sa Sandiganbayan Second at Fifth Divisions.
Ipinaliwanag din ni Econg na ang plunder ay isang non-bailable offense kaya maaaring maaresto at makulong agad ang isang akusado kapag nailabas na ang warrant of arrest, maliban na lamang kung papayagan ng korte ang isang bail petition.
Samantala, sinabi ni Econg na nauna nang nakapaglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Second Division laban kina Estrada at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa kasong graft dahil natapos na umano ang deliberasyon bago pa maihain ang urgent motion ng senador. Kapwa naman agad na nagpiyansa ng P90,000 sina Estrada at Bonoan para sa kanilang pansamantalang kalayaan.




