Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng krudo ang bansa hanggang Hunyo 30, 2026. Pahayag ito ng Pangulo sa sidelines ng pagbubukas ng NAIA Expressway Phase II, kung saan iginiit din niyang nagpapatuloy ang paghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng langis.

Nauna nang nagdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency noong Marso 24 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Ayon sa pamahalaan, mayroon lamang humigit-kumulang 45 araw na suplay ng fuel noong Marso 20.

Bilang tugon, nagsasagawa ang administrasyon ng procurement ng karagdagang isang milyong bariles ng langis upang magsilbing buffer stock at matiyak ang sapat na suplay sa mga susunod na buwan.

Nilagdaan din ng Pangulo ang Executive Order No. 110 na nag-uutos sa Department of Energy na magsagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang katatagan at sapat na suplay ng enerhiya sa bansa, gayundin upang mabawasan ang epekto ng mga aberya sa pandaigdigang merkado ng langis. Inaasahan ding tataas ang presyo ng diesel at gasolina sa mga susunod na araw.