
Isusulong ni Senador Erwin Tulfo ang isang malawakang pagsusuri sa pagpapatupad ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 sa pamamagitan ng pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development na kanyang pinamumunuan.
Ayon kay Tulfo, napapanahon ang hakbang kasunod ng sunod-sunod na krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City at mga insidente ng pananaksak sa Cavite at Negros Occidental.
Sinabi ng senador na matagal na niyang nakikita ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang kakulangan ng mga gumaganang Bahay Pag-asa, limitadong intervention programs para sa Children in Conflict with the Law (CICL), at usapin ng pananagutan ng mga magulang.
Rerepasuhin din ng komite ang kasalukuyang minimum age of criminal responsibility upang matukoy kung naaayon pa ito sa kasalukuyang sitwasyon.
Binigyang-diin ni Tulfo na layunin ng pagdinig na makabuo ng mga reporma sa implementasyon ng batas habang binabalanse ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima at ang rehabilitasyon ng mga menor de edad.
Makikipagkonsulta rin ang Senado sa mga eksperto sa batas, law enforcement agencies, social welfare groups, simbahan, medical professionals, at mga magulang upang makabuo ng mga rekomendasyong magpapalakas sa pagpapatupad ng Juvenile Justice Law.










