Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang mosyong humihiling na muling pag-isipan ang naunang desisyon sa quo warranto petition na naglalayong patalsikin si Senador Erwin Tulfo dahil sa isyu ng kaniyang pagkamamamayan.

Sa pahayag na nilagdaan ni SET Secretary Luis Jose Geronimo nitong Biyernes, Oktubre 16, anim na miyembro ng tribunal ang bumoto pabor sa pagtanggi sa mosyon, habang tatlo naman ang kumontra.

Ayon sa SET, hindi sumunod sa mga rekisito ng paghahain at paghahatid ng mga dokumento sa ilalim ng 2020 SET Rules ang mosyon at inamyendahang petisyon na inihain ni Berteni Cataluña Causing. Huli rin umano itong naihain sa itinakdang panahon at hindi sapat ang porma ng inamyendahang petisyon.

Gayunman, nilinaw ng tribunal na ibinasura ang mosyon nang walang hadlang sa paghahain ng panibagong petisyon.

Nauna nang hiniling ni Causing na tanggalin si Tulfo sa puwesto dahil umano sa pagiging hindi kuwalipikado nito bunsod ng sinasabing pagkamamamayang Amerikano. Inakusahan din niya ang senador ng kawalan ng katapatan sa Pilipinas, pagkakaroon umano ng alyansa sa Estados Unidos, pagiging bahagi ng isang political dynasty at kakulangan sa akademikong kwalipikasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Naghain din si Causing ng disqualification case laban kay Tulfo noong kumandidato ito sa pagka-senador sa 2025 midterm elections, kabilang ang isyung may kaugnayan sa kaniyang naging hatol sa kasong libelo noong 2008.

Gayunman, ibinasura ng Commission on Elections ang dalawang petisyong naglalayong idiskuwalipika si Tulfo dahil sa hindi pagsunod ng mga petitioner sa ilang kinakailangan sa paghahain.

Wala pang inilalabas na pahayag si Tulfo kaugnay ng pinakahuling desisyon ng SET.