Ipinahayag ni Senator Imee Marcos ang kanyang pagiging bukas sa posibilidad na tumakbo bilang Senate President para sa ika-20 Kongreso.

Ayon sa kanya, handang-handa ang bawat senador na humarap sa hamon, at may ilang lumapit umano sa kanya upang kumbinsihin siyang tumakbo.

Bagamat hindi niya pinangalanan kung sino ang mga ito, sinabi niyang tila nais lamang ng ilan na makipagsabayan siya sa tinawag niyang “tambaloslos,” na hindi rin niya pinangalanan nang direkta.

Tumanggi rin si Marcos na tukuyin kung sinu-sino ang nagpahayag ng suporta para sa kanyang posibleng kandidatura.

Nauna na niyang ibinunyag na may ilang kapwa senador ang humimok sa kanyang mamuno sa Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pinuna ni Marcos ang panawagan para sa courtesy resignations ng mga miyembro ng Gabinete.

Aniya, dalawa pa lamang ang natatanggal sa puwesto at hindi siya sang-ayon sa sabayang pagbibitiw dahil nagdudulot ito ng kaguluhan at destabilization.

Giit niya, malinaw ang mensahe ng taumbayan noong eleksyon — tutol sila sa patuloy na pamumulitika at pang-aapi sa mga Duterte.

Dagdag pa ni Marcos, ang ganitong mga hakbang ay maaaring nagpadala ng maling mensahe sa mundo tungkol sa kalagayan ng bansa at posibleng nakaapekto rin sa ekonomiya.