Umiigting ang banggaan sa Senado matapos kontrahin ni Senator Ping Lacson ang pahayag ni Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Vince Dizon na wala pang natutukoy na ghost project sa Taguig City.

Sa pagdinig sa 2027 budget ng DPWH, sinabi ni Dizon na batay sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon, wala silang nakitang ghost o hindi umiiral na proyekto sa lungsod.

Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, 107 proyekto ang nakalista sa Taguig at lahat umano ay may accomplishment.

Pero mariing kinuwestiyon ito ni Lacson, na sinabing taliwas ang pahayag ni Dizon sa mga rekord na mismong DPWH ang nagsumite sa kanyang tanggapan.

Ayon kay Lacson, may mga dokumentong tumutukoy sa mga slope protection project sa Taguig na iniulat na nakumpleto kahit hindi naman umano umiiral.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iginiit ni Lacson na kailangang linawin kung alin sa mga rekord ang tama at kung may mga proyektong naiulat bilang completed kahit hindi naman naipatupad.