Kinuwestiyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang naging pahayag ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, matapos umano nitong magmukhang pinagsasabihan ang mga senator-judges kaugnay ng kanilang mga kilos at pahayag habang isinasagawa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, kung may mga isyung kinasasangkutan ng mga senator-judges, mas nararapat itong talakayin sa loob ng caucus at hindi sa publiko.

Aniya, bilang tagapagsalita ng impeachment court, hindi dapat magmistulang kritiko o tagapagpaalala si Tongol sa mga senador.

Nag-ugat ang usapin matapos magkomento si Tongol sa Facebook post ni Senador Robin Padilla tungkol sa kanyang pagtatanong sa “raw file” ng video na ebidensiya sa paglilitis.

Nilinaw naman ni Tongol na hindi niya sinasabing lumabag si Padilla sa Senate Impeachment Rules, kundi ipinaliwanag lamang ang umiiral na sub judice rule.

-- ADVERTISEMENT --