Sinagot ni Sen. Panfilo Lacson ang naunang pahayag ni Sen. Pia Cayetano na walang nangumusta sa kanila nang mangyari ang putukan sa Senado noong May 13.
Maaalalang kahapon (May 20) ay naging emosyonal si Sen. Pia habang binabalikan niya ang nangyaring kaguluhan sa Senado noong may 13 habang mistulang pinuna din niya ang ilang kasamahan na kahit dekada na niyang kilala ay hindi man lang umano sila nangumusta noong kasagsagan ng kaguluhan.
Tanong naman ni Lacson, paano ba kukumustahin ang mga masayang nagkakainan, nagkakape, at naka-FB live pa?
Pinagbintangan pa aniya ang minority bloc na may alam umano sa putukan na naganap sa loob ng Senado.
Kung babalikan ay naiwan sa Senado ang majority senators noong gabi ng May 13 para magsagawa sana ng caucus ngunit bago sumapit ang alas-otso ay naganap na ang pamamaril.
Sunod-sunod ding nag-live sa kani-kanilang facebook account ang mga senador noong kasagsagan ng tensyon sa loob ng mataas na kapulungan.
Sa kasalukuyan, nananatiling kontrobersyal ang naturang insidente matapos itong ituring ng marami bilang staged o planado.




