
Mariing tinutulan ni dating Senador Leila de Lima ang mga panukala na nagpapahintulot sa mga senadora at senador na nasa kustodiya o detention na makalahok sa mga sesyon ng Senado sa pamamagitan ng remote participation o video conferencing.
Ayon kay de Lima, maaaring magamit umano ang ganitong sistema para sa kapakinabangan ng mga mambabatas na may kinahaharap na mabibigat na kaso.
Ikinuwento niya na noong siya ay nakadetine mula 2017 hanggang 2023 kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa droga na kalauna’y naibasura, hindi siya pinayagang makadalo sa mga sesyon ng Senado kahit noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon pa sa kanya, pinayuhan siya noon ng mayorya sa Senado na kumuha ng court order, ngunit hindi ito ibinigay ng korte.
Ipinahayag din ni de Lima na sa ilalim ng mga restriksyon ay hindi siya pinahintulutang gumamit ng cellphone at iba pang electronic devices gaya ng laptop at tablet.
Dahil dito, sinabi niyang handwritten ang naging paraan niya upang maipagpatuloy ang kanyang tungkulin bilang senador habang nasa detention.
Ginagamit niya ang sulat-kamay sa pagre-review ng mga draft ng resolusyon, panukalang batas, at maging sa kanyang sariling mga draft at corrections.
Giit ni de Lima, ang pagbibigay ngayon ng remote participation sa mga detenidong senador ay maaaring magdulot ng hindi pantay na pagtrato at makaapekto sa mga sensitibong proseso gaya ng impeachment trial.
Ayon pa sa kanya, sa isang impeachment trial ay kinakailangan na personal na makita, marinig, at masuri ng hukuman ang ebidensya, at hindi ito maaaring gawin sa pamamagitan lamang ng remote setup.
Samantala, naantala noong Martes ang botohan sa Senado kaugnay ng panukalang amyenda sa rules na magpapahintulot sa remote participation matapos mag-walkout ang minority bloc.
Humiling ng quorum check at pagsuspinde ng sesyon si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III matapos umalis ang mga miyembro ng minorya sa session hall.
Dahil sa kawalan ng quorum, hindi naituloy ang sesyon at sinabi ng pamunuan ng Senado na walang pagtutol ang mayorya sa motion to adjourn, ngunit binigyang-diin na ang minorya ay umalis sa session hall.
Ipinagpaliban ang sesyon hanggang alas-5 ng hapon sa Lunes, Hunyo 1.
Nauna rito, inihain ni Senator Rodante Marcoleta ang mosyon na amyendahan ang Senate rules upang payagan ang mga senador na makalahok sa sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing para sa mga may “justifiable reason” kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado.




