
Nagbigay ng pasasalamat si Senadora Pia Cayetano kay Senador Lito Lapid dahil sa patuloy nitong pagpapadala sa kanya ng mga pagkaing Pilipino tulad ng maja blanca at suman kahit magkaiba na sila ng kinabibilangang partido pulitikal.
Sa sesyon ng Senado nitong Martes, sinabi ni Cayetano na simula pa noong 2004 ay magkasama na silang nagsisilbi bilang senador at nananatiling maalalahanin si Lapid sa kanya sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa political bloc.
Bilang tugon, sinabi naman ni Lapid kay Cayetano na mahal niya ito, bagay na ikinatawa ng ilang senador sa plenaryo at pansamantalang nagpagaan sa tensyon sa Senado.
Kapwa unang nahalal bilang senador sina Cayetano at Lapid noong 2004 at pareho na ngayong nasa kanilang ikaapat na termino sa Senado. Kasalukuyang kabilang si Cayetano sa majority bloc habang si Lapid naman ay nasa minority bloc.
Kasunod ito ng paglilinaw ni Lapid na mananatili siya sa minority bloc matapos lumabas sa social media ang mga espekulasyon na lilipat siya sa majority.
Sa kaniyang manifestation sa plenaryo, sinabi ni Lapid na hindi totoo ang mga kumakalat na balita at wala siyang planong umalis sa minority group.
Nag-ugat ang isyu matapos ang naging debate noong Lunes hinggil sa kontrobersyal na video na ipinakita ni Senadora Imee Marcos sa kaniyang privilege speech.
Sa naturang sesyon, naghain si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ng mosyon para alisin sa rekord ng Senado ang video dahil umano sa pagiging propaganda nito. Inalmahan naman ito ni Senador Rodante Marcoleta na nagsabing suportado siya ni Lapid.
Kalaunan ay pumayag si Marcos na bawiin ang video kaya binawi rin ni Zubiri ang kaniyang mosyon.
Nilinaw naman ni Lapid na suportado niya ang mosyon ni Zubiri at hindi lamang siya nakapagsalita noong sesyon dahil inaakala niyang magkakaroon ng botohan.




