Dumalo si Senator Rodante Marcoleta sa isinagawang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi, kung saan nagpasalamat siya sa mga sumuporta at nagpahayag na handa siyang makulong kung ito ang kapalit ng kanyang ipinaglalabang hustisya.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcoleta na hindi sana siya dadalo sa pagtitipon upang maiwasang isipin ng publiko na siya ang nag-udyok sa kilos-protesta.

Kinuwestiyon din niya kung bakit siya umano ang itinuturing na kontrabida ng Office of the Ombudsman gayong pareho lamang aniya ang layunin nilang labanan ang katiwalian.

Nauna ring umakyat sa entablado si dating kongresista Mike Defensor upang ipahayag ang kanyang suporta kay Marcoleta.

Samantala, ilang tagapagsalita sa programa ang nag-akusa na umano’y pinipigilan ng pulisya ang pagdating ng iba pang mga raliyista mula sa timog.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon na binawi na nito ang permit para sa pagpapatuloy ng rally na nakatakda sana sa Hulyo 2.