Nanawagan si Senator Imee Marcos sa bagong liderato ng Senado na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano na agad ipagpatuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y flood control corruption scandal.

Sa isang pahayag, iginiit ni Marcos na dapat “buksan na” ang Blue Ribbon Committee at alisin ang anumang pagtatakip sa isyu.

“Buksan na ang Blue Ribbon Committee. Tanggalin lahat ng takip sa Flood Control Corruption,” ani Marcos.

Hinikayat din niya ang komite, na kasalukuyang pinamumunuan ni Senator Pia Cayetano, na ipatawag ang mga personalidad na umano’y sangkot sa kontrobersiya.

Kabilang sa kanyang binanggit ang 18 dating Marines, dating kongresistang si Zaldy Co, dating Executive Secretary Lucas Bersamin, at dating undersecretary Adrian Bersamin.

-- ADVERTISEMENT --

Ang panawagan ay kasunod ng patuloy na diskusyon sa Senado tungkol sa transparency at accountability sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa flood control programs na sinasabing pinagmumulan ng umano’y iregularidad.

Samantala, wala pang opisyal na tugon sa kasalukuyan ang Blue Ribbon Committee sa panawagan ni Marcos.