Ikinokonsidera ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbabago sa iskedyul ng paglilitis sa impeachment case ni Bise Presidente Sara Duterte upang mapabilis ang pagdinig at mas maging malinaw ito sa publiko.

Ayon kay Gatchalian, pinag-uusapan nila ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero ang posibilidad na agad nang makapagprisinta ang kampo ng depensa ng kanilang mga ebidensya at testigo para sa Article IV, matapos itong tapusin ng House prosecution panel, bago lumipat sa pagtalakay ng Article I na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Aniya, sa ganitong paraan ay maaari nang alisin ng depensa ang mga testigong may magkakatulad na testimonya at mas madaling masusundan ng publiko ang daloy ng paglilitis. Gayunman, sinabi niyang maisasagawa lamang ang pagbabago kung parehong papayag ang prosecution at defense.

Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng House prosecution panel na si Atty. Jay Tolosa na bukas sila sa naturang panukala upang mapabilis ang impeachment trial. Kapag natuloy ang pagbabago sa iskedyul, maaapektuhan din ang pagdalo ng dalawang opisyal ng Land Bank na na-subpoena bilang mga testigo para sa pagtalakay ng Article I.