Itutuloy ng Senado sa Hunyo 4 ang imbestigasyon sa umano’y flood control scam matapos ipag-utos ni Senate President Alan Peter Cayetano kay Senator Rodante Marcoleta na maglabas ng mga kaukulang abiso para sa susunod na pagdinig.

Ayon kay Cayetano, napagkasunduan sa isinagawang caucus ng mga senador na bumuo ng subcommittee na tututok sa isyu ng flood control upang maipagpatuloy ang imbestigasyon.

Sinabi rin ng Senate President na kabilang ang flood control controversy sa mga pangunahing prayoridad ng Senado, kasama ang mga usaping may kaugnayan sa ekonomiya at impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Matatandaang sinuspinde noon ni dating Blue Ribbon Committee chairperson Senator Ping Lacson ang mga pagdinig habang hinihintay ang sapat na bilang ng lagda para sa sponsorship ng partial report kaugnay ng kontrobersiya.

Babala naman ni Lacson, posibleng ma-archive ang partial report kung hindi ito makakakuha ng kinakailangang suporta bago ang sine die adjournment ng 20th Congress sa Hunyo 5.

-- ADVERTISEMENT --