
Iminungkahi ni Senate President Alan Peter Cayetano kay Senate President Pro-Tempore Win Gatchalian ang sabayang paglagda sa mga dokumento ng Senado upang matiyak na hindi maaantala ang operasyon ng institusyon habang hindi pa nareresolba ang alitan sa liderato.
Ayon kay Cayetano, layunin ng mungkahi na matiyak na hindi maaantala ang operasyon ng Senado, kabilang ang pagproseso ng suweldo at iba pang mahahalagang dokumento para sa mga empleyado at kawani.
Sinabi ng senador na sa pamamagitan ng sabayang paglagda, maiiwasan ang anumang “legal infirmity” o usapin sa legalidad ng mga dokumento, gayundin ang posibleng “usurpation of authority” habang nananatiling hindi malinaw ang usapin sa liderato.
Gayunman, iginiit ni Cayetano ang kanyang karapatan bilang pinuno ng Senado, kabilang ang pagpreside sa impeachment trial.
Aniya, posibleng hindi makarating sa kanya ang mga dokumentong kinakailangan niyang lagdaan dahil nasa kampo umano ni Gatchalian ang kontrol sa mga proseso sa Senado.
Inihayag din ni Cayetano na suportado umano ang kampo ni Gatchalian ng Malacañang, National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP).
Patuloy namang hinihintay ang magiging pinal na resolusyon sa usapin ng liderato sa Senado.








