Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee sa susunod na linggo ang imbestigasyon nito sa umano’y anomalya sa mga flood control projects na kinasasangkutan ng bilyun-bilyong pisong pondo ng pamahalaan.

Ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano, napagkasunduan ng mayorya ng Senado na bumuo ng subcommittee na tututok sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, na pamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta.

Sa isang Facebook livestream nitong Biyernes, sinabi ni Cayetano na magsisimula ang mga pagdinig sa Hunyo 4.

Ang isyu ng flood control anomalies ay nagdulot ng malawakang protesta at sinasabing nakaapekto sa ekonomiya noong nakaraang taon.

Si Marcoleta ay dating chair ng Blue Ribbon Committee nang unang simulan ang imbestigasyon. Pinalitan siya ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, na namuno sa pagdinig mula Setyembre 2025 hanggang sa pagbabago ng liderato ng Senado nitong mga nakaraang linggo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, si Senadora Pia Cayetano, kapatid ng Senate President, ang namumuno sa komite.

Sa ilalim ni Lacson, nakapaglabas ang komite ng partial report kaugnay ng imbestigasyon. Gayunpaman, pito lamang na senador ang lumagda dito, kulang sa siyam na kinakailangan upang maiakyat ito sa plenaryo.