
Iminungkahi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na humingi ng pahintulot ang impeachment court sa Sandiganbayan o iba pang hukuman upang payagang personal na makadalo sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga senador na posibleng maaresto at makulong.
Ayon kay Lacson, maaaring i-escort ng Bureau of Jail Management and Penology o ng kanilang custodians ang mga senador patungo sa Senado basta may pahintulot o court order. Giit nito, hindi maaaring online ang pagdalo at pagboto dahil pinapayagan lamang ito sa panahon ng force majeure o national emergency alinsunod sa Senate Rules.
Sinabi rin ni Lacson na kailangang pag-usapan ng Senado ang posibleng remedyo upang matuloy ang impeachment trial sakaling kulangin sa bilang ang mga senador. Kailangan ng 16 boto mula sa 24 senador upang mahatulan ang isang impeached official.



