
Sinabi ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nabuo ang tinawag na “Senate Leadership Fund” matapos maalarma si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa laki ng mga congressional insertion sa national budget.
Ayon sa affidavit ni Bonoan na isinumite sa Sandiganbayan, layunin ng naturang sistema na maiwasan ang pagbabawas sa budget ng DPWH para sa mga priority project ng mga senador.
Gayunman, sinabi niyang hindi naging matagumpay ang scheme dahil nagpatuloy pa rin ang budget insertions sa mga sumunod na taon.
Sinabi ni Bonoan na umabot sa P13.29 bilyon ang nagamit mula sa leadership fund noong 2024 at tinatayang P21 bilyon noong 2025.
Wala umanong nakatakdang fixed amount kada senador, ngunit may minimum na P500 milyon bawat isa, habang hindi bababa sa P1 bilyon ang para sa Senate President at mga chairperson ng pangunahing komite.
Ayon pa kay Bonoan, alam umano ng economic cluster ng administrasyon ang naturang inisyatiba, na unang inilaan ng DPWH ng P24 bilyon para sa 2024 proposed budget.
Samantala, sinabi ni Bonoan na kumonsulta rin siya sa liderato ng Kamara, kabilang sina dating Speaker Martin Romualdez at dating Appropriations Committee Chair Zaldy Co, kaugnay ng alokasyon para sa mga congressional district.










