
Pinayagan ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang mga empleyado ng Senado na magtrabaho mula sa bahay sa Huwebes, Hunyo 4, kasabay ng nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa umano’y flood control mess.
Sa memorandum ni Gatchalian, sinabi na walang nakatakdang opisyal na trabaho sa naturang araw at ang hakbang ay bahagi ng reorganisasyon ng mga komite sa ilalim ng mga bagong chairperson.
Layunin din ng work-from-home arrangement na mapanatili ang neutralidad ng burukrasya ng Senado sa gitna ng mga pagbabago sa liderato.
Ayon pa sa kautusan, ang kasalukuyang sitwasyon sa Senado ay nakaapekto hindi lamang sa kakayahan ng institusyon na gampanan ang mandato nito kundi pati na rin sa morale ng mga empleyado.
Nilinaw din na walang empleyado na maaaring maparusahan o ituring na lumiban sa tungkulin kung pipiliin ang work-from-home setup.
Samantala, iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na siya pa rin ang lehitimo, legal at moral na lider ng Senado at tuloy ang nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Huwebes.
Ayon kay Cayetano, maaaring mauwi sa constitutional crisis ang anumang hakbang na hahadlang sa pagdinig, at nanawagan siyang huwag hadlangan ang operasyon ng Senado.
Kabilang sa mga inimbitahan sa pagdinig sina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at 18 Marine personnel na umano’y naghatid ng mga bag ng pera sa ilang opisyal.
Itinakda naman ni Sen. Erwin Tulfo na ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay sa Hunyo 8 sa ilalim ng bagong pamunuan.










