Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng isang pick-up truck na nakasagasa at nakapatay ng isang pitong taong gulang na batang babae sa bayan ng Suyo, Ilocos Sur noong unang bahagi ng buwang ito.

Sa isang pahayag, sinabi ng LTO na naglabas ito ng show cause order (SCO) laban sa driver at inaatasan itong humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Enero 23, alas-2 ng hapon.

Layunin ng pagdinig na alamin ang posibleng pananagutan ng driver sa mga kasong tulad ng reckless driving at pagiging hindi angkop na magmaneho ng sasakyan.

Inutusan din ang driver na magsumite ng sinumpaang salaysay at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa insidenteng ikinasawi ng bata.

Batay sa imbestigasyon, biglang tumawid ang bata sa Daang Suyo–Cervantes Road sa Barangay Uso matapos bumaba ng tricycle kasama ang kanyang ina, nang mabangga ito ng pick-up truck.

-- ADVERTISEMENT --

Agad isinugod ang bata sa Ilocos Sur District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, inilagay sa alarm ang pick-up truck, habang suspendido ng 90 araw ang lisensya ng driver.

Inatasan din ang nasabing motorista na isuko ang kanyang driver’s license sa LTO habang nagpapatuloy ang kaso.

Nagbabala ang LTO na kung hindi sisipot sa pagdinig o hindi magsusumite ng sinumpaang salaysay, ituturing itong pag-waive ng karapatang marinig, at ibabatay na lamang ng ahensya ang desisyon sa mga ebidensiyang hawak nito.