
Iniimbestigahan na ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang isang viral video kung saan isang sasakyang pag-aari ng pamahalaan ang umano’y lumabag sa batas trapiko matapos mag-counterflow at harangan ang daloy ng mga motorista.
Bilang tugon, agad nag-isyu ang LTO ng Show Cause Order laban sa drayber at kinatawan ng nasabing ahensya upang magpaliwanag sa mga posibleng paglabag gaya ng obstruction of traffic at driving against traffic.
Isinailalim din sa alarm status ang sasakyan habang pansamantalang sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng drayber bilang preventive measure.
Ayon sa LTO, kailangang humarap ang mga kinauukulan sa imbestigasyon sa itinakdang petsa upang ipaliwanag ang insidente.
Giit ng ahensya, ipatutupad ang batas trapiko nang patas at walang kinikilingan, kahit pa ito ay sasakyan ng pamahalaan.









