Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office o LTO laban sa driver ng isang Nissan Navara pick-up na sangkot sa malagim na aksidente sa Visayas Avenue na ikinasawi ng isang pedestrian.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District o QCPD, binabagtas ng sasakyan ang Visayas Avenue madaling araw ng Mayo 20 nang mabangga nito ang isang lalaking nakaupo sa gilid ng kalsada.

Matapos ang insidente, tuloy-tuloy pang umabante ang pick-up at sumalpok sa isang signage at vendor. Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit kalauna’y nasawi ang pedestrian habang sugatan naman ang vendor.

Pinagpapaliwanag ng LTO ang rehistradong may-ari at driver ng sasakyan kaugnay ng posibleng kasong administratibo na reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.

Samantala, inilagay na rin sa alarm status ang lisensya ng driver at ang sangkot na sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --