Inilunsad ng Social Security System (SSS) ang “Palengke Caravan” gamit ang mobile e-Wheels na dadalaw sa mga palengke at barangay upang ilapit ang serbisyo sa mga miyembro at bawasan ang pila at biyahe ng publiko.

Ayon sa SSS, nagsimula ang isang linggong caravan noong Mayo 25 sa Metro Manila at magpapatuloy sa Mayo 27 at 28 sa iba’t ibang lugar sa bansa, na target makapagserbisyo sa humigit-kumulang 21,500 kliyente.

Kabilang sa mga lugar na dadalawin sa Mayo 27 ang Calapan sa Oriental Mindoro, Legazpi sa Albay, Silay City sa Negros Occidental, at Siargao Island sa Surigao del Norte, habang magtatapos ang aktibidad sa Mayo 28 sa Virac, Catanduanes.

Nag-aalok ang caravan ng iba’t ibang serbisyo tulad ng employer registration, updating ng member data records, inquiries at verification, Annual Confirmation of Pensioners, at issuance ng SSS numbers at forms.

Kasama rin ang online-related services tulad ng My.SSS registration, password reset, pension loan applications, at benefit claim processing.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa SSS, layunin ng programa na mapabilis at mapadali ang access ng publiko sa kanilang serbisyo lalo na sa mga malalayong komunidad.