Lumagda ang Social Security System o SSS sa isang kasunduan sa OFW Council of Leaders upang palawakin ang social security coverage ng mga overseas Filipino workers o OFWs sa Saudi Arabia.

Ayon sa SSS, layunin ng kasunduan na hikayatin ang mas maraming OFW na magparehistro bilang miyembro ng SSS upang matiyak ang kanilang social protection at ng kanilang mga pamilya.

Sa ilalim ng memorandum of understanding, mahigit 100 lider ng mga komunidad ng mga Pilipino sa Saudi Arabia ang tutulong sa pagpapalaganap ng mga programa at serbisyo ng SSS sa mga migranteng manggagawa.

Sinabi ng ahensya na ito ang kauna-unahang pormal na pakikipagkasundo ng SSS sa isang Filipino community network sa Middle East bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyo nito sa mga OFW.