Iginiit ni Taiwanese President Lai Ching-te na may karapatan ang Taiwan na makipag-ugnayan sa ibang bansa matapos umuwi mula sa naantalang biyahe sa Eswatini, ang natitirang kaalyado ng Taiwan sa Africa.

Ayon kay Lai, hindi dapat hadlangan ang mga pagbisita ng mga lider ng estado dahil ito ay normal na bahagi ng diplomasya. Sinabi rin niyang hindi uurong ang Taiwan sa kabila ng pressure at panggigipit.

Nauna nang sinabi ng Taiwan na pinilit umano ng China ang ilang bansa sa Africa na kanselahin ang overflight permits ng biyahe ni Lai. Ayon sa China, bahagi ng kanilang teritoryo ang Taiwan at tinututulan nito ang pakikipag-ugnayan ng isla sa ibang bansa.

Tinawag naman ng Estados Unidos ang ginagawa ng China na isang kampanya ng pananakot, habang itinanggi ng Beijing at tinawag na walang basehan ang naturang pahayag.

Sa kasalukuyan, 12 bansa na lamang ang kumikilala sa Taiwan, kabilang ang Eswatini. Patuloy namang pinapalawak ng China ang ugnayan nito sa mga bansa sa Africa sa gitna ng isyu sa Taiwan.

-- ADVERTISEMENT --