Tatlo ang napaulat na nasawi matapos ang tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Ayon sa Police Regional Office 12, apat naman ang sugatan na pawang mga sibilyan.

Batay sa ulat, isang landslide ang naitala habang ilang imprastraktura ang naapektuhan kabilang ang dalawang paaralan, dalawang ospital, labing-apat na commercial establishments, at dalawang residential houses.

Nag-deploy na ng 390 search and rescue personnel, 23 mobile units, at 100 personnel sa vital installations, habang 150 naman ang naka-standby.

Samantala, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na pinaka-apektado ng lindol ang Regions 12, 11, 9 at BARMM, kung saan nagpapatuloy ang evacuation sa mga coastal areas.

-- ADVERTISEMENT --

Iniulat din ang malawakang pinsala sa imprastraktura habang apektado ang supply ng kuryente at komunikasyon sa ilang lugar.

Nasa full Red Alert status ang Operations Center, National Inter-Agency Coordinating Cell, at mga response clusters ng pamahalaan, kasabay ng mahigpit na koordinasyon sa mga local DRRMO.

Ayon sa direktiba ng Pangulo at ng Department of National Defense (DND), nakatakdang tumungo sa mga apektadong lugar ang mga opisyal ng DND at OCD ngayong araw para sa situational assessment at agarang response operations.