
Patuloy na mino-monitor sa loob Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Neneng habang patuloy na nakaaapekto ang Habagat sa Luzon at Visayas.
Batay sa PAGASA, nasa layong 675 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes ang sentro ng Neneng, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Samantala, dalawang iba pang tropical depression ang binabantayan sa labas ng PAR, kabilang ang isang dating LPA na nasa layong 670 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan, at isa pang disturbance na nasa 3,090 kilometro silangan ng northeastern Mindanao.
Asahan ang monsoon rains sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro, habang makararanas naman ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.
Makararanas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang natitirang bahagi ng Luzon, Antique at Aklan, habang isolated rainshowers at thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Mindanao at nalalabing bahagi ng Visayas.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash flood at landslide, partikular sa mga lugar na makararanas ng malakas hanggang matinding pag-ulan.










