
Kinumpirma ng Malacañang na naglabas na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa tatlong vloggers na umano’y nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, naipasa na sa NBI ang mga dokumento mula sa Presidential Communications Office (PCO) para sa mas malalim na imbestigasyon.
Dagdag niya, bahagi ito ng agarang aksyon ng pamahalaan laban sa pagpapakalat ng pekeng balita, at sinimulan na rin ang proseso ng pagsisiyasat sa mga nasabing vloggers.
Nauna nang ini-refer ng PCO sa Department of Justice ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa tatlong Facebook accounts noong Abril 15.
Ayon sa PCO, may isang account na nag-live at nagsabing malubha ang kalagayan ng Pangulo, habang ang isa ay nag-post ng binagong larawan na tila nagpapakitang may sakit siya. May isa pang account na nagbahagi ng maling ulat na may kumpirmasyon umano ng seryosong kondisyon ng Pangulo.










