
Tatalakayin ng House committee on justice ang mga tax documents ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio sa pagpapatuloy ng impeachment hearing sa Abril 22, ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro.
Sinabi ni Luistro na bukod sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at umano’y hindi tamang pagdedeklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), tatalakayin din sa pagdinig ang income tax returns (ITRs) ng mag-asawa.
Pinamumunuan ni Luistro ang committee on justice na humahawak sa natitirang dalawang impeachment complaint laban kay Duterte.
Ayon sa kanya, kabilang sa mga tatalakayin ang mga dokumentong hindi pa napag-usapan noong nakaraang hearing.
Kabilang dito ang presentasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng ITR ng mag-asawa, gayundin ang ulat ng Securities and Exchange Commission (SEC) tungkol sa general information sheet at audited financial statements ng kanilang mga idineklarang negosyo.
Kinumpirma rin ni Luistro na naipasa na ng BIR ang mga tax records at iba pang dokumentong hinihingi sa pamamagitan ng subpoena duces tecum, kaya’t aniya ay wala nang saysay o “moot and academic” ang petisyon ni Carpio.
Ang tinutukoy niya ay ang paghahain ni Carpio ng petisyon sa isang regional trial court sa Quezon City upang humiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa subpoena ng komite sa kanyang ITR at sa kanyang law firm.
Gayunman, ayon kay Luistro, naipadala na ng BIR ang mga dokumento noong Abril 14.
Dagdag pa niya, hindi siya tiyak sa kabuuang saklaw ng hinihiling ni Carpio sa kanyang petisyon, ngunit malinaw aniya na ang bahagi na naglalayong pigilan ang pagsusumite ng mga dokumento ay wala nang saysay dahil naisumite na ang mga ito.
Samantala, sa petisyong inihain ni Carpio, iginiit niya na walang ahensya ng gobyerno ang maaaring mag-subpoena ng records ng isang pribadong indibidwal nang walang pahintulot nito, at binigyang-diin na ang income tax returns ay confidential.










