
Sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga nagpoprotestang grupo at mga pulis sa Philcoa, Quezon City ilang oras bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos umanong lumampas sa itinakdang lugar ang mga raliyista.
Nagsimula ang programa ng BAYAN Southern Tagalog bandang alas-7 ng umaga at sinakop ang dalawang linya ng kalsada.
Kalaunan ay nagtangkang okupahan ng grupo ang ikatlong linya kaya agad na bumuo ng human barricade ang Quezon City Police District (QCPD).
Iginiit ng QCPD na wala umanong permit ang grupo para magsagawa ng rally at pinayuhan ang mga ito na manatili sa itinakdang lugar.
Sa gitna ng programa, sinunog ng mga raliyista ang mga effigy nina Pangulong Marcos, Vice President Sara Duterte at US President Donald Trump.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nasa 20,000 pulis ang idineploy sa Quezon City bilang bahagi ng seguridad para sa SONA, habang apat lamang na grupo ang pinayagang magsagawa ng kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Kinondena naman ng BAYAN ang umano’y mahigpit na pagbabantay ng mga pulis at iginiit na ang matinding trapiko ay dulot ng malaking police deployment at hindi ng mga nagpoprotesta.
Bukod sa protesta sa Quezon City, nagsagawa rin ng hiwalay na rally ang grupong KILUSAN sa Recto Avenue, Maynila, habang naglunsad naman ng transport strike ang MANIBELA upang muling igiit ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at pagtanggal ng VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo.









