Namagitan ang Pilipinas sa Cambodia at Thailand bilang ASEAN Chair upang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan kaugnay ng matagal nang border dispute ng dalawang bansa.
Pinangunahan ni Ferdinand Marcos Jr. ang trilateral meeting kasama sina Cambodia Prime Minister Hun Manet at Thailand Prime Minister Anutin Charnvirakul sa sidelines ng 48th ASEAN Summit sa Cebu.
Layunin ng pulong na ipagpatuloy ang dialogue matapos ang armadong tensyon noong Mayo 2025 sa kanilang 800-kilometrong border na ikinasawi ng mahigit sandaang katao at nagpalikas sa kalahating milyong sibilyan.
Sa joint statement, sinabi ni Pangulong Marcos na bilang ASEAN Chair, tungkulin ng Pilipinas na magbigay ng neutral na espasyo para sa pag-uusap ng dalawang bansa.
Bilang resulta ng pulong, muling bubuhayin ang mga bilateral mechanisms gaya ng Joint Boundary Commission o JBC at General Border Committee o GBC na tututok sa survey at demarcation ng border upang maiwasan ang panibagong tensyon.
Ayon naman kay Hun Manet, handa ang Cambodia na ipagpatuloy ang usapan sa ilalim ng international law at umiiral na kasunduan.
Positibo rin ang naging tugon ng Thailand sa pagpapatuloy ng peace talks sa kabila ng naging tensyon sa maritime claims ng dalawang bansa nitong mga nakaraang buwan.
Ayon kay Prime Minister Anutin, panahon na upang unahin ng dalawang bansa ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Inaprubahan din ang extension ng mandato ng ASEAN Observer Team o AOT hanggang Hulyo 2026.
Ang Pilipinas naman ang magsisilbing coordinator ng observer team na magbabantay sa implementasyon ng military de-escalation at iba pang kasunduan sa border areas.










