
Humihingi ng tulong pagkain at tubig ang ilang Pilipino sa Thailand matapos bahain ang ilang lugar dahil sa matinding pag-ulan, ayon sa Philippine Embassy sa Bangkok.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes na nahirapan ang ilang Filipino na makabili ng pangunahing pangangailangan dahil sa panic buying at pag-iimbak ng pagkain sa ilang komunidad.
Dahil dito, namamahagi ang embahada ng pagkain at tubig at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga Filipino community leaders para matukoy ang mga nangangailangan ng tulong.
Idineklara na ng Bangkok authorities ang disaster situation dahil sa pagbaha, habang mahigit 200 temporary shelters ang binuksan para sa mga apektadong residente.
Gayunman, sinabi ng embahada na wala pa itong natatanggap na ulat na may Pilipinong nanunuluyan sa mga evacuation shelter.
Patuloy namang bukas ang mga hotline at communication channels ng embahada at Migrant Workers Office para sa mga Pilipinong nangangailangan ng agarang assistance.










