
Pinalawig ng mga nagtitinda ng baboy sa apat na araw ang kanilang tigil-benta bilang protesta sa pagdami ng inaangkat na karneng baboy na umano’y nakaaapekto sa lokal na industriya.
Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines chairperson at AGAP Party-list Representative Nicanor Briones, magpapatuloy ang tinatawag na “pig holiday” hanggang Linggo, Oktubre 25, sa halip na tatlong araw lamang gaya ng unang inanunsiyo.
Nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga hog trader sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA), kung saan hiniling nila ang pagpapataw ng mas mataas na taripa sa imported na baboy at pagkansela sa mga permit sa pag-aangkat.
Nanawagan din ang mga nagpoprotesta na humanap ng solusyon ang pamahalaan sa talamak umanong pagpupuslit ng mga produktong karne mula sa ibang bansa, na anila’y lalong nagpapahirap sa lokal na industriya.
Nanatiling mapayapa ang protesta hanggang sa matapos ito nitong Biyernes ng umaga. Nakipag-usap din ang mga opisyal ng DA sa mga nagpoprotesta at tiniyak na napakinggan ang kanilang mga hinaing.










