Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng ilang karne, buhay na hayop at produktong panghayupan mula sa Denmark, Finland, Estonia at Greece dahil sa banta ng mga nakahahawang sakit sa hayop.

Sakop ng pagbabawal ang mga poultry product mula Denmark dahil sa bird flu, mga baboy at produktong mula rito sa Finland at Estonia dahil sa African Swine Fever (ASF), at mga hayop at produktong maaaring magdala ng foot-and-mouth disease mula Greece.

Iniutos din ng DA ang pagsususpinde sa pagproseso ng import clearance at inatasan ang mga veterinary quarantine officer na harangin at kumpiskahin ang mga shipment na lalabag sa pagbabawal.

Layunin ng hakbang na maprotektahan ang lokal na industriya ng paghahayupan at maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng mga sakit sa bansa.