Muling inalok ni U.S. President Donald Trump si Russian President Vladimir Putin ng tulong upang makahanap ng kasunduang magtatapos sa digmaan sa Ukraine matapos ang halos 90 minutong pag-uusap nila sa telepono.

Ayon sa Kremlin, iginiit ni Putin na bukas ang Russia sa isang pampulitika at diplomatiko na resolusyon, ngunit dapat isaalang-alang ang posisyon ng Moscow sa sigalot. Inakusahan din nito ang Ukraine at mga kaalyado nitong Europeo na nais pang palalain ang labanan.

Samantala, nakausap din ni Trump si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy, na nagsabing naging maganda ang kanilang pag-uusap at nagkasundo silang ipagpatuloy ang talakayan sa nalalapit na NATO Summit sa Turkey. Iginiit ni Zelenskiy na mahalaga ang matatag na suporta ng Amerika upang tuluyang matuldukan ang mahigit apat na taong digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.