Nagbabala si U.S. President Donald Trump na posibleng muling magsagawa ng pag-atake ang Estados Unidos laban sa Iran nitong Miyerkules ng gabi, kasunod ng panibagong paglala ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa sidelines ng NATO Summit sa Ankara, Turkey, sinabi ni Trump na hindi umano tumupad ang Iran sa mga napagkasunduan sa ilalim ng paunang kasunduan para sa tigil-putukan.

Dahil dito, sinabi niyang malamang na magsagawa muli ng military strikes ang Estados Unidos.

Nauna nang sinabi ni Trump na wala nang bisa ang memorandum of understanding na nagsilbing paunang ceasefire agreement sa pagitan ng Washington at Tehran.

Iginiit din niya na hindi kailanman dapat magkaroon ng nuclear weapon ang Iran at maaaring makamit ito ng Amerika kahit walang bagong kasunduan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng Iran na tinarget nito ang mga pasilidad militar ng U.S. sa Bahrain at Kuwait bilang tugon sa mga pag-atake ng pwersa ng Amerika sa mga target sa Iran.

Dahil sa panibagong tensyon, muling tumaas ang presyo ng langis at nadagdagan ang pangamba sa seguridad sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.