
Tiniyak ng pamahalaan ng United Kingdom ang mahigpit na pakikipag-ugnayan nito sa Estados Unidos pagdating sa seguridad bago ang nakatakdang pagbisita ni King Charles III sa US ngayong linggo.
Ito ay kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang media event sa Washington kung saan dinaluhan ni US President Pres. Donald Trump. Agad na inilikas si Trump at ang kanyang asawa na si First Lady Melania Trump ng mga awtoridad matapos ang insidente.
Ayon kay Chief Secretary to the UK Treasury Darren Jones, seryosong tinututukan ng pamahalaan ng UK at ng Buckingham Palace ang seguridad ng hari. Patuloy aniya ang koordinasyon ng kanilang security services sa kanilang katapat sa US.
Inaasahang darating si King Charles kasama ang kanyang asawa na si Queen Camilla sa Estados Unidos para sa apat na araw na pagbisita.
Kabilang sa kanyang mga aktibidad ang pribadong pakikipagpulong kay Trump at pagtatalumpati sa US Congress bilang bahagi ng paggunita sa ika-250 anibersaryo ng kalayaan ng Amerika mula sa British rule.




