TUGUEGARAO CITY-Tuluyan na ring binawian ng buhay ang isa sa limang lulan ng SUV na bumangga sa poste ng kuryente sa Barangay Balzain East dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Dahil dito, apat ang binawian ng buhay sa naturang aksidente habang maswerte namang nakaligtas ang driver nito na si Rowel Bambilla.

Ayon kay PLt. Franklin Cafirma, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Fidel Baldos ng Flora Apayao habang dead-on arrival ang tatlong iba pa na sina Alvin Dela Cruz ng Sto. NiƱo, Kenneth Maggay ng Tuguegarao City at Patrick Desuasido, tubong Bicol.

Nagsampa naman ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang mga magulang ni Maggay at damaged to property naman ang isinampa ng dalawang nagmamay-ari ng nakaparadang sasakyan na nadamay sa naturang aksidente laban sa driver.

Sinabi ni Cafirma na hiniram lamang ni Bambilla ang sasakyan sa hindi na nabanggit na indibidwal kung saan papunta sana sila sa isang coffee shop sa Barangay Centro nang mangyari ang aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa paunang imbestigasyon, mabilis ang pagpapatakbo ng driver na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang mawalan umano sa kontrol ng manibela at bigla nitong nakabig na dumiretso sa isang poste kung saan nadamay din ang dalawang nakaparadang sasakyan.

Sa ngayon, nakalabas na sa pagamutan ang driver matapos mabigyan ng paunang lunas dahil sa tinamong mga sugat at kasalukuyang nasa pangangalaga ng kapulisan.