
Nanatiling walang malinaw na kasunduan ang United States at Iran kaugnay ng pagtatapos ng mahigit dalawang buwang digmaan sa Middle East, habang nagpapatuloy ang tensyon sa paligid ng Strait of Hormuz.
Ayon kay US Secretary Marco Rubio, inaasahan ng Washington ang tugon ng Iran sa pinakahuling panukala ng Amerika para tuluyang matigil ang bakbakan at masimulan ang usapang pangkapayapaan.
Gayunman, wala pang indikasyon ng tugon mula sa Tehran isang araw matapos ang pahayag ni Rubio.
Kabilang sa mga nais pag-usapan sa negosasyon ang nuclear program ng Iran at iba pang sensitibong usapin sa seguridad.
Iniulat din na nakipagpulong sina Rubio at White House envoy na si Steve Witkoff kay Mohammed bin Abdulrahman al-Thani sa Miami upang talakayin ang posibleng kasunduan para sa kapayapaan.
Samantala, isang liquefied natural gas tanker mula sa Qatar ang naglayag patungo sa Strait of Hormuz patungong Pakistan, sa hakbang na sinasabing inaprubahan ng Iran bilang pagpapakita ng tiwala sa Qatar at Pakistan na kapwa tumatayong mediator sa sigalot.
Kapag natuloy ang biyahe, ito ang kauna-unahang pagdaan ng Qatari LNG vessel sa naturang kipot mula nang magsimula ang digmaan.
Tumitindi rin ang pressure sa administrasyon ni Donald Trump na maresolba ang sigalot bago ang nakatakda nitong pagbisita sa China sa susunod na linggo.
Patuloy namang naaapektuhan ng tensyon ang pandaigdigang merkado ng enerhiya at ekonomiya, habang muling nakaranas ng pag-atake ang United Arab Emirates nitong Biyernes.










