Ipinakita ng puwersa ng Estados Unidos at Pilipinas ang paggamit ng isang anti-ship missile system sa lalawigan ng Batanes bilang bahagi ng taunang joint military exercises.

Sa isinagawang war games, idineploy ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) sa Basco, malapit sa Taiwan, isang lugar na itinuturing na mahalagang ruta sa Luzon Strait.

Ayon sa mga opisyal, layunin ng deployment na subukan ang kakayahan ng sistema sa mga malalayong lugar at mapalakas ang kahandaan ng magkasanib na pwersa sa depensa ng teritoryo.

Ang NMESIS ay isang mobile missile system na kayang targetin ang mga sasakyang pandagat mula sa lupa sa layong hanggang 185 kilometro.

Maaari rin itong patakbuhin nang remote o walang sakay na tao.

-- ADVERTISEMENT --

Dinala ang nasabing sistema sa Batanes sakay ng US C-130 aircraft at inilagay sa Basco para sa deployment rehearsal at simulation support sa mga ehersisyo.

Nilinaw ng mga opisyal na hindi ito gagamitin sa live fire operations at aalisin din matapos ang pagsasanay.

Bahagi ang aktibidad ng Balikatan exercises, ang taunang joint military drills ng Pilipinas at Estados Unidos na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa depensa.

Samantala, patuloy na binabatikos ng China ang paglalagay ng mga kagamitang militar ng US sa Pilipinas, dahil umano sa pagtaas ng tensyon sa rehiyon.

Ayon sa isang security analyst, ang pagdeploy ng ganitong sistema sa Batanes ay maaaring makita bilang hakbang sa pagpigil o deterrence sa gitna ng umiiral na kompetisyon sa rehiyon.

Patuloy namang binibigyang-diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng mga pagsasanay para sa proteksyon ng pambansang teritoryo at pakikipagtulungan sa mga kaalyado.