
Dumating sa Switzerland si US Vice President JD Vance upang pangunahan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, kasunod ng napagkasunduang 60-araw na tigil-putukan ng dalawang bansa.
Layunin ng pag-uusap na maisulong ang isang pangmatagalang kasunduan matapos ang halos apat na buwang tensyon at labanan sa pagitan ng Washington at Tehran.
Gayunman, nananatiling sentro ng usapin ang Strait of Hormuz, matapos igiit ng Iran na isinara nito ang mahalagang rutang dinaraanan ng pandaigdigang suplay ng langis, bagay na itinanggi naman ng militar ng Estados Unidos.
Ayon sa US Central Command, mahigit 55 commercial vessels ang ligtas na nakadaan sa naturang daanan noong Sabado, kabilang ang mga barkong may dalang milyon-milyong bariles ng langis para sa pandaigdigang merkado.
Inaasahang tatalakayin din sa Switzerland ang usapin ng nuclear program ng Iran at ang umiiral na tigil-putukan sa Lebanon, habang umaasa ang magkabilang panig na makakamit ang mas matatag na kasunduan sa mga susunod na araw.










