
Tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na walang isasagawang importasyon ng mga produktong agrikultural sa panahon ng anihan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa kabila ng inaasahang epekto ng “super” El Niño.
Ayon kay Castro, sapat pa ang suplay ng bansa ng langis, bigas, baboy at manok.
Gayunman, iniutos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigpit na pagbabantay sa suplay upang matiyak na magiging handa ang pamahalaan na magpasok ng importasyon kung hindi na kayang tugunan ng lokal na produksyon ang pangangailangan.
Binigyang-diin din ni Castro na ipinagbabawal ang ilegal na pag-aangkat ng mga gulay dahil maaari itong makaapekto sa presyo ng mga lokal na produkto at kabuhayan ng mga magsasaka.
Samantala, kabilang sa mga paghahandang isinasagawa ng pamahalaan laban sa epekto ng “super” El Niño ang paglalagay sa standby ng mga solar-powered irrigation system at cloud seeding operations.
Ayon sa Weather Bureau, inaasahang mararating ng El Niño ang pinakamataas na antas nito sa pagtatapos ng taon at posibleng magpatuloy hanggang Hunyo ng susunod na taon.




