Pinuna ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang ilang senador-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil umano sa pagkilos na tila bahagi ng depensa sa halip na manatiling walang kinikilingan.

Ayon kay Castro, dapat manatiling impartial ang mga senador-judge at nakatuon lamang sa pagkuha ng katotohanan sa paglilitis. Hindi umano dapat sila nakikipagdebate o nagsasagawa ng pagtatanong na parang cross-examination sa mga testigo.

Sinabi rin ni Castro na may ilang pahayag mula sa mga senador-judge na tila nagpapahiwatig na isang opisyal lamang ang dapat managot sa usapin ng paggamit ng confidential funds, kahit may pananagutan din umano ang pinuno ng ahensya.

Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng pagtatanong ni Senador Imee Marcos sa testigong si Roderick Wamil, dating state auditor ng Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office, kung ang Special Disbursing Officer lamang ang dapat managot kapag may iregularidad sa paggamit ng confidential funds.

Samantala, pinaalalahanan din ni Castro ang mga abogado na huwag magpakalat o magpromote ng pekeng impormasyon. Ito ay matapos ang reklamo ng ilang women’s rights advocates, akademiko, at feminista laban kay Senador Pia Cayetano kaugnay ng isang social media post na naglalaman umano ng spliced video ni Akbayan party-list Representative Chel Diokno sa impeachment trial.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Castro, nakadepende sa motibo ng gumawa kung ang isang spliced video ay maituturing na maling impormasyon o pagtatangka na baguhin ang naratibo.