Lumobo sa P19.065 trillion ang kabuuang natitirang utang ng gobyerno ng Pilipinas sa pagtatapos ng Hunyo, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Mas mataas ito ng P518.98 bilyon kumpara sa P18.546 trilyon noong katapusan ng Mayo, at higit ding mataas sa P17.267 trilyon na naitala noong Hunyo ng nakaraang taon.

Ayon sa BTr, ang 2.8 porsiyentong pagtaas ng utang ay pangunahing dulot ng mas malaking pangungutang ng pamahalaan, kapwa sa loob at labas ng bansa, upang pondohan ang mga programang pangkaunlaran. Nakatulong naman ang mas malakas na piso upang bahagyang mabawasan ang pagtaas ng kabuuang utang.

Umabot sa P12.837 trilyon ang domestic debt o utang sa loob ng bansa. Mas mataas ito ng 2.74 porsiyento kumpara noong Mayo at 7.43 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Lahat ng ito ay mula sa government securities.

Sa naturang panahon, nakapagtala rin ang pamahalaan ng P342.93 bilyon na net issuance ng government securities, habang nabawasan naman ng P0.60 bilyon ang halaga ng onshore dollar bonds dahil sa paglakas ng piso.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, umabot sa P6.227 trilyon ang utang panlabas o external debt, mas mataas ng P176.66 bilyon mula sa P6.051 trilyon noong katapusan ng Mayo. Ito ay bunsod ng karagdagang pangungutang sa ibang bansa na katumbas ng P223.11 bilyon.