
Nananatiling pangunahing concern sa unang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang voter intimidation, flying voters at vote buying, ayon sa isang pre-election assessment report.
Ayon sa pag-aaral ng Asia Network for Free Elections at National Democratic Institute, mas mataas ang posibilidad ng mga naturang insidente sa mga liblib na lugar. Kabilang din sa mga nakikitang banta sa halalan ang rido o clan feud, political rivalry, private armed groups at mga natitirang violent extremist elements.
Samantala, sinabi ng mga election analyst na mababa pa rin ang kaalaman ng maraming botante tungkol sa parliamentary elections at pamamahala sa BARMM, habang problema rin ang misinformation, coordinated voting at paggamit ng political at family networks.
Inirekomenda ng grupo ang mas malawak na voter education, patas at transparent na seguridad, mahigpit na pagpapatupad laban sa vote buying at paggamit ng government resources sa kampanya, gayundin ang mas pinaigting na pagbabantay ng mga election observers at media.
Nakatakda ang unang parliamentary elections sa BARMM sa Setyembre 14.










