Nananatiling tahimik si Vice President Sara Duterte sa kanyang mga plano sa pulitika, partikular para sa eleksyon sa 2028.
Sinabi niya na kung ilalabas niya ang kanyang plano ngayon, lalo lamang umanong tataas ang kanyang takot para sa kanyang kaligtasan.
Nang matanong sa isang media interview sa Pampanga tungkol sa kanyang mga plano, sinabi niya na ayaw niya itong sagutin dahil posibleng papatayin siya.
Ipinunto ni Duterte na pinapabagsak na siya ng kasalukuyang administrasyon, mula sa political attacks hanggang sa gusto nila umano siyang ma-impeach.
Ayon sa kanya, ang posibleng susunod na mangyayari ay planuhin umano ang pagpatay sa kanya upang matapos na ang problema ng administrasyon.
Matatandaan na ilang bansa na ang pinuntahan ni VP Duterte nitong mga nakalipas na linggo, kung saan ay nakikipagkita siya sa Filipino community.
Ang kanyang hangarin umano ay para makakuha ng suporta para sa panawagan na palayain ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.