Binigyan ng hanggang June 1, 2026 si Vice President Sara Duterte upang magsumite ng kanyang pormal na sagot sa impeachment case laban sa kanya, ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano.

Sa sesyon ng Senado kahapon, sinabi ni Cayetano na opisyal nang naipadala ang summons sa bise presidente noong Mayo 20, at kinumpirma rin ng Office of the Vice President (OVP) na natanggap nila ito bandang alas-10:40 ng umaga ng parehong araw.

Ayon sa rules ng impeachment court, may 10 araw mula sa pagtanggap ng summons ang respondent upang magsumite ng kanilang sagot. Orihinal na matatapos sana ito sa Mayo 30, ngunit dahil natapat ito sa araw ng Sabado ay inilipat ang deadline sa susunod na working day sa Hunyo 1.

Kapag nakapagsumite na ng sagot ang kampo ni Duterte, bibigyan naman ng limang araw ang House prosecution panel upang maghain ng tugon bago itakda ang pre-trial ng kaso.

Nanawagan si Cayetano sa mga kapwa senador na agad ayusin ang impeachment calendar upang maayos na maisabay ang pagdinig sa iba pang legislative work ng Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni House prosecution spokesman Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dapat magsimula na agad ang impeachment trial, at wala umanong hadlang para ito ay hindi ituloy.

Ayon kay Adiong, handa na ang lahat ng requirements para sa pagdinig, at nakatingin umano ang publiko sa magiging aksyon ng Senado sa kasong ito.

Tinawag din niyang “litmus test” para sa Senado ang paghawak sa impeachment, at binigyang-diin na mahalagang manaig ang pagiging patas at hindi partisan sa proseso.