
Personal na nagtungo si Vice President Sara Duterte nitong Linggo sa mga lugar na sinalanta ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao upang alamin ang kalagayan ng mga apektadong residente at tiyaking natutugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Sa inilabas na mensahe sa social media, sinabi ng Bise Presidente na una niyang binisita ang Barangay Nuing sa Jose Abad Santos kung saan kanyang nakapanayam ang mga pamilyang naapektuhan ng pagyanig at sinuri ang sitwasyon sa komunidad.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP), namahagi rin si Duterte ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna bilang bahagi ng agarang pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Matapos ang kanyang pagbisita sa Davao Occidental, nagtungo rin ang Bise Presidente sa Sarangani Municipal Hospital at sa evacuation center sa Barangay Mabila sa Balut Island. Doon ay kanyang sinuri ang kalagayan ng mga evacuee at mga pasyenteng naapektuhan ng malakas na lindol.
Layunin ng pagbisita na masiguro na naipaaabot ang kinakailangang suporta at serbisyo sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng sakuna.










