
Walang hiningi na confidential funds ang Office of the Vice President sa panukalang ₱785.204-milyong budget para sa 2027, ayon kay House Appropriations Committee Vice Chair Rep. Jose Alvarez.
Sinabi ni Alvarez na wala ring pormal na request ang OVP para sa confidential funds.
Gayunman, nasa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasya kung bibigyan ng naturang pondo ang tanggapan ng bise presidente.
Samantala, naging usapin sa budget deliberations ang mungkahing bigyan ang OVP ng parliamentary courtesy, kung saan maaaring aprubahan ang budget proposal nang walang masusing interpellation.
Tinutulan ito ng ilang mambabatas, kabilang si House Deputy Minority Leader Antonio Tinio, na iginiit na kailangang maging transparent ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa paggamit ng pondo ng bayan.
Matapos nito, isinantabi ang mosyon at pumayag ang OVP Chief of Staff Zuleika Lopez na sagutin ang mga tanong ng komite tungkol sa kanilang panukalang budget.




