Kinumpirma ng Bureau of Immigration o BI na wala silang naitalang paglabas ng bansa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa alinmang international ports of entry at exit sa gitna ng nagpapatuloy na paghahanap sa kanya ng mga awtoridad.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, patuloy nilang mino-monitor ang mga international airport at seaport sa bansa kabilang ang Zamboanga International Seaport, ngunit wala umanong nakarehistrong recent travel ng senador.

Nilinaw naman ng BI na hindi nila saklaw ang mga bay area dahil ito ay binabantayan ng mga lokal na pamahalaan, Philippine Coast Guard, at kapulisan.

Nauna nang sinabi ng Philippine National Police o PNP na nasa bansa pa rin si dela Rosa habang naghahanda ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court o ICC laban sa senador.

Nananatili rin si dela Rosa sa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO kaugnay ng kinahaharap nitong kasong crimes against humanity of murder.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ng BI na layunin ng ILBO na bantayan ang galaw ng isang indibidwal at ipaalam sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang kaniyang kinaroroonan.

Matatandaang naglabas ng arrest warrant ang ICC laban kay dela Rosa dahil sa umano’y pagkakasangkot nito bilang indirect co-perpetrator sa madugong kampanya kontra droga noong 2016 hanggang 2018 kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.

Iginiit naman ng kampo ni dela Rosa na bagama’t kinikilala nila ang pag-iral ng arrest warrant ng ICC, hindi umano ito maaaring ipatupad sa Pilipinas.